arrowenvelopefacebookinstagramlinked-intwitteryelpyoutube

Paano Nakakatulong ang Yelp sa Paghahanap ng Lokal na Negosyo

Araw-araw, milyun-milyong users ang gumagamit ng Yelp sa paghahanap ng lokal na negosyo. Hindi na nila kinukwestyon kung paano nasasalamin ng mga reviews ang posibleng maging karanasan nila. Ang alam lang nila, mapagkakatiwalaan nila ito. Maganda ‘yun, dahil ‘yun din ang pinagsisikapan namin.

Pero meron pa ring nagtatanong — paano nga ba ‘to gumagana? Ginawa namin ang astig na video na ito bilang ipaliwanag.

Naaalala mo pa ba kung papaano ka maghanap ng masarap na kainan noong wala pang Yelp? Siguro magtatanong-tanong ka ano? Tapos pag-iisipan mo lahat ng sagot na makukuha mo at pipiliin kung alin ang gusto mo. Posibleng mas pahalagahan mo ang rekomendasyon ng mga taong alam mong sumubok na ng iba’t-ibang lugar o kaya naman ay iyong mga alam mong kapareho mo ng panlasa kaysa sa mga taong di mo naman madalas makasamang kumain, mga kaibigan ng may-ari ng kainan o iyong mga bagong kakilala mo. ‘Di ba?

Sa madaling sabi, ganoon din gumana ang Yelp. Araw-araw, sinusuyod ng aming awtomatikong software ang higit sa 47 milyong reviews na dinagdag sa Yelp nang matukoy kung aling reviews ang pinakamakabuluhan at pinakamapagkakatiwalaan. Nang sa gayon ay mas madali mong mahanap ang negosyong patok sa gusto mo. ‘Di kagaya ng ibang sites, mas pinapahalagahan namin ang kalidad kaysa sa dami ng reviews. Bilang resulta, tatlong kapat lang ng mga reviews namin ang rekomendado. Kadalasang galing sa mga aktibong miyembro ng komunidad ang mga ito at sa mga taong mapagkakatiwalaan.

Makikita pa din ang mga reviews na hindi rekomendado sa pamamagitan ng pagpindot sa link na nasa ibabang bahagi ng pahina ng negosyo ngunit hindi na nakakaapekto ang mga ito sa kabuuang grado o bilang ng reviews.

Ano’ng mayroon sa mga reviews na ito? Bakit hindi sila rekomendado? Para mapanatiling mapagkakatiwalaan at makabuluhan ang mga nilalaman, minabuti naming huwag nang bigyang-diin ang mga reviews mula sa mga taong hindi nagbibigay ng tunay na impormasyon tungkol sa kanilang sarili pati na rin mga reviews na posibleng may kinikilingan dahil sinulat ito ng kapamilya, kaibigan, kakilala o kostumer na binibigyan ng espesyal na trato. Sinisikap din naming alisin ang mga reviews na sinulat o binayaran ng mga may-ari ng negosyo para siraan ang kanilang mga kakompetensya. Maliban dito, iniiwasan din namin ang hindi konstruktibong panlalait at reklamo.

Tuluy-tuloy ang paggana ng aming recommendation software at patuloy din itong nalilinang tuwing may natatanggap itong bagong impormasyon mula sa mga reviews at mga nagsulat nito. Dahil dito, nagbabago-bago din ang reviews na nirerekomenda para sa bawat negosyo.

Mahalagang bigyang-diin na patas ang aming pagtingin sa mga negosyo, nagbabayad man sila para magpatalastas sa Yelp o hindi. Mayroong mga Yelp advertisers na may negatibong reviews, kagaya nang mayroon ding mga hindi advertisers na may magagandang reviews. Awtomatiko ang recommendation software kaya’t patas ang pamantayan na pinatutupad nito para sa lahat ng negosyo at reviews at hindi ito maaaring maapektuhan ng personal na opinyon ng sino man.

Sa kasalukuyan, naging maganda ang epekto ng prosesong pinatutupad ng Yelp pagdating sa pagrerekomenda ng pinakamakabuluhan at pinakamapagkakatiwalaang reviews sa mga kostumer at pinatutunayan ito ng higit sa 100 milyong bisita na natatanggap namin buwan-buwan.

Para sa mga nagtataka kung papaano naibibigay ng Yelp ang mahahalagang impormasyon, nilagyan namin ng paalala ang itaas na bahagi ng bawat pahina ng negosyo para matukoy kung alin ang nirerekomenda namin. Ito rin ang mga reviews na nakatutulong upang manatiling mapagkakatiwalaan ang Yelp.